Wednesday, March 14, 2012

Kung ako ang presidente ng Pilipinas


Isa sa mga naging pangarap ko noong ako’y bata pa ay ang maging Presidente ng bansa. Marahil, ito ay naging impluwensya ng aking kamusmusan at kaisipan noon na ang paglilingkod sa bayan ay isang simpleng bagay lamang. Habang tumatanda at nagkakaisip, unti-unti kong nauunawaan na iba-iba pala ang mga bagay-bagay. Katulad nga ng sabi ni Spiderman, “With great power, comes great responsibility.”

Ako ay lumaki at nagka-isip sa probinsya, kaalinsabay ng aking pagtanda sa siyudad. Nasubukan kong pumasok sa isang paaralang pampubliko at isang paaralang pribado.  Nabasa ko noong sa aking aklat na karapatan ng bata ang mag-aral. Tama, hindi lingid sa ating kaalaman na ang gobyerno ay nagbibigay ng libreng edukasyon para sa mamamayan nito. Subalit hindi rin lingid sa ating kaalaman ang kabulukan at kabuktutan ng sana’y “mataas na uri” ng edukasyon sa mga kabataan ay nauuwi sa kawalan dahil sa kakulangan ng badyet na napupunta sa sector ng edukasyon, hindi na kasama ang pangungurakot at iba pang aspetong maaaring makapaekto dito. Oo, may natatangi tayong Science High Schools subalit kung lilingunin ang general public schools na ipinaglilingkod ng gobyerno ay masasabi nating minoridad lamang ang naunang nabanggit. Sa isang banda, ang mataas na uri ng edukasyon ay maaring ituring na lamang na pribilehiyo sapagkat tanging mga nakaangat lamang sa lipunan ang may kakayahang makapag-paaral ng kanilang anak sa mga pribadong paaralan kung saan mas lalong natutukan ang bata sa “mataas na uri” edukasyon. Sa isang pampublikong paaralan, mapalad na kung sapat ang mga silid-aralan. Kung tutuusin, sabi ng aking hipag na isang guro, ang ration ng isang guro/classroom sa mga estudyante ay umaabot ng 1:80. Nandiyan din ang kakulangan sa libro, at kakulangan sa mga mahuhusay na guro. Ayon sa 2008 Functional Literacy and Mass Media Survey ng National Statistics Office, isa sa sampung Pilipino ay functionally illiterate at 9 milyon ang nasa below literacy level. Lumalabas na kailangan ang agarang pagsugpo sa ganitong isyu. Hindi lamang para sa mga mag-aaral na nasa siyudad kundi lalo na maging sa mga mag-aaral sa probinsya at liblib na lugar na nangangailangan din ng paghahasa ng talent at liwanag sa isipan. Gusto kong isakatuparan ang sinabi ni Rizal na ang “kabataan ang pag-asa ng bayan!” at isa sa hakbang niya ay ang wastong edukasyon para sa kabataan.


Napag-uusapan ang edukasyon. Kaya naman importanteng tayo ay maliwanagan. Pinakakabisado sa atin ng walang habas na ang isla sa Pilipinas ay may bilang na 7,107, na ang mga Pilipino ay may imbensyon katulad ng fluorescent light, at iba pa. Subalit wala naming katotohanan ang lahat ng ito. Isa sa mga nais kung ikampanya ay ang tamang edukasyon sa mga bata. Paano tayo uunlad kung hindi natin alam ang ugat at kasaysayan ng ating bansa. At upang malaman ang ugat na iyon, dapat nating linisin at ayusin ang anumang maling impormasyon sa mga aklat. Oo, simpleng bagay lang naman ang mga ito subalit kung ito ay ating nakalakhan, ito pa rin ay magdudulot sa atin ng mga suliranin, at iba pa. Katulad na lamang ng iminungkahi ng aking guro sa PI 100, kaya daw tayong mga Pilipino ay mareklamo, ang tingin ay laging naaapi, at hindi nakukunteto sa ating bansa (Halimbawa ay ang mga OFW na nangingibang-bansa) ay dahil sa bagay na itinatak sa atin mula sa ating kasaysayan. Ang laging sinasabi sa ating aklat ay tayo ay inapi ng mga Kastila subalit hindi din natin naisip na ipagpasalamat sa kanila ang pagbubuklod nila sa atin bilang isang bansa, ang pagtuturo sa atin ng makabagong paraan ng pamumuhay (Halimbawa ay mga paggamit ng makinerya, atbp) na hindi sa atin ginawa at itinuro ng karatig nating mga bansa. Ayon sa aklat na Culture and History ni Nick Joaquin, tayo ay nananatiling gumagamit ng “tree bark” sa ating mga pagsulat, samantalang ang China at Japan ay gumagamit na ng “printing press.” Nanatili tayong “hindi pinapansin” sapagkat ano nga lang ba sa kanila ang Pilipinas? Ayon pa sa aklat na ito na binanggit na isang Chinese voyager, Philippines: island of snake and savages.


Isa sa araw-araw na gawain ko at ng maraming Pilipino ay ang pagbabiyahe. Araw-araw ding nararanasan at nililitaniyahan ang trapiko hindi lamang sa ka-Maynilaan kundi maging sa iba pang mga siyudad sa ating bansa. Malaki talaga ang problema natin dito. Naaalala ko pa noong kumuha ako ng kursong Geog 1, na-feature sa aming aklat ang Pilipinas lalo na ang Maynila, isa sa mga “most traffic cities.” Sa katunayan, marami na rin akong mga nabasang blogs sa internet ng mga foreigners na bumibista sa ating bansa sa kakaibang experience nila sa pagbabiyahe. Kaya naman gusto kong pagtuunan ng pansin ang mas lalo pang pag-papaayos ng kalsada at iba pang uri ng transportasyon. Oo, mayroon namang proyekto ang kasalukuyang gobyerno subalit, alam nating sa milyung-milyong pisong tinutugon dito, milyun-milyon din ang naibubulsa ng mga pulitiko, na sana ay ginamit sa mas lalong ikaaayos sa lagay ng transportasyon (halimbawa nito ay ang C5 Project, Macapagal High Way, at iba pa.) Ngunit isang tanong din ay papaano? Minsan dahil sa mga road widening projects, maraming mga squatters ang napapaalis sa kanilang tirahan. Sila ay nirere-relocate sa mas malalayong lugar, minsan pa nga yung iba ay wala. Saan kukuha ang mga burgis ng kanilang kasambahay at driver? Kung mapapalayo sila sa siyudad kung saan mas maraming opurtunidad, saan sila kukuha ng mas malaking perang pangtustus sa kanilang pamumuhay? Kaya dapat balanse. Subalit patuloy pa din silang nasisisi (bilang mga street vendors) sa pagsikip ng daloy ng trapiko. Isang halimbawa ay ang Luzon Avenue. Dati, kapag dumadaan ako diyan, naglipana ang street vendors sa paligid, subalit naayos ng MMDA ang sitwasyon ng pinatayuan sila ng pwesto sa gilid ng kalsada, na may kalayuan sa high-way. Sana laging ganoon ang mangyari. Hindi yung pinagtatabuyan sila, dahil wala na silang kikitain. Pare-pareho lang naman tayong kumakain.


Kaliwa’t-kanan din ang kilos protesta sa pagtaas sa singil sa pamasahe. Ayon sa ulat ng Bulatlat, ang kita ng isang jeepney driver sa isang araw ay pumapatak sa 400 pesos. Kasama na dito ang bayad sa boundary, at mga pagpapa-gasolina. Sa kaniyang pamilya na may 4-6 na anak, kulang itong pangtustus sa kanilang pamumuhay. Kung taaasan naman ang singil sa pamasahe, marami ding mga commuters ang maapektuhan, lalo na’t karamihan sa mga commuters ay kapwa mahihirap lamang. Sinasabing nalulugi din ang mga kumpanya ng mga gasolinahan, kaya kailangang magtaas ng singil sa petrolyo, subalit gaano katotoo ito? Hindi naman puwedeng sabihan na lamang ang mga kumpanya na huwag magtaas ng singil, sapagkat, maaaring mawalan ng investors an gating bansa. Kaya gusto kong pagtuunan ng pansin at palawigin pa ang aking kaalaman ukol dito. Kung paano ba ang tamang pagpapabuti sa sistema.


Isa din sa gusto kong pagtuunan ng pansin ay ang mga nasa LGBTcommunities. Patok na patok sila ngayon, lalo na noong sumikat si Vice Ganda. Marami na din akong nakilala at nakausap na katulad nila. Iisa lang naman ang sinasabi nila: sana walang diskriminsasyon. Buti nga sa UP, malawak ang pang-unawa ng mga tao. Sa katanuyan, ang nanalong USC Chairperson ngayon ay isang aktibong miyembro ng LGBT. Samantalang sa National Elections, hindi pinayagan ng COMELEC ang partidong Ang Ladlad dahil sa ito ay immoral. Kaya naman gusto kong palawigin ang kanilang mga karapatan sa lipunan. Huwag gawing batayan ang kanilang pisikal na kaanyuan sa kanilang pag-aaral, paghahanapbuhay at iba pang aktibidad. Lalo na ngayon at sumisikat din ang same sex marriage. Nagiging bukas ang kaisipan ng mga tao, subalit ang iba ay patuloy na sarado. Sa katanuyan, mayroon ng mga ipinasang proposals ukol dito subalit, wala sa mga iyon ang ipinasa ng gobyerno. Sabi nga ng kaibigan ko, “hindi ko naman ginustong maging ganito, eh sa ganito talaga ako.” At nang biruin ko siyang gusto kong magkaanak ng isang kabilang sa LGBT, “GAGA, HUWAG! hindi mo alam kung gaano kahirap.” Gaano ba kahirap ang pagtawanan at kutyain? Bilang mga tao, my potensyal ang bawat isa. Potential na lalo pang mapapalawig kung bukas ang isipan ng mga taong nakapaligid sa kanila.


“May yaman sa basura” Iyan ang madalas kong naririnig sa mga documentaries kapag naipapalabas ang ukol sa mga taong naninirahan sa dumpsites at kung anu-ano pa. Bakit ba naman hindi? Subalit, kung lilimiin, madami ring tao ang maaaring masawi sa panganib. Katulad na lamang ng pagguho ng basura sa Payatas noong taong 2000, sa Baguio naman ay noong taong 2011. Ang aking iminumungkahi lamang, katulad na lamang ng sa JPEPA na kahit magbibigay ito ng trabaho ay may  nagsasabing maaaring tayo’y maging tapunan ng basura ng Japan, nawa’y lalong paigtingin natin ang pagiging responsable sa ating mga kalat. May napanood akong video ng isang Amerikanong nagtratrabaho sa Cebu, “20 reasons why I dislike the Philippines” at sinabi niyang, bibili ka lamang ng gum ay lalagyan pa nila ng plastic bag, kung saan magiging sanhi pa ng mga kalat. Gusto ko sanang pagtuunan ng pansin ito. Lalo na’t tuwing bumabagyo, kahit maliliit na basura, nagiging isa sa sanhi ng pagbaha.


Bakit maraming basura? Isa sa mga sagot dito, dahil maraming tao. Ang population density ng Pilipinas ayon sa World Bank report noong 2011 ay 312.78 per km2. Ang trend nito ay palaki ng palaki kada taon. Oo, maraming tayong isla subalit, hindi naman lahat iyon ay pwedeng tirahan. Katulad nga ng sinabi ko kanina, wala namang oportunidad. Ayon sa MetropolitanManila.com, isa sa madaling sisihin ay ang mga taong mahihirap na hindi naturuan ng tamang pangangalaga sa pamilya. Subalit ayon naman sa libro ni Randy David, marunong naman silang mag-family planning. Siguro marahil ‘yung iba ay oo, ‘yung iba naman ay hindi. Kaya naman gusto kong imungkahi, ang pagsasabatas ng RH Bill sapagkat maraming bagay ang maaaring maidulot nito. Sa milyung-milyong populasyon, madami din ang walang trabaho. Kung magkakaroon man ng trabaho, hindi pa din makakasapat upang tugunan ang pangangailangan ng marami. Sa patuloy na paglaki ng populasyon, kailangan ng tamang kaalaman upang hindi naman masugpo kundi ma-control.


Matagal ng may sagupan ang bansa laban sa MILF at NPA. Dati, natatakot akong sumakay sa LRT, MRT dahil sa isyu nang pambobomba. Marami ding mga foreigners ang dinadakip at napapanood sa TV na pinahihirapan ng mga terorista. Hindi naman lahat kayang ibigay ng gobyerno. Dahil na din, may iba’t-ibang ipinaglalaban ang mga tao at may sari-sarili silang prinsipyo. Paano kung mabaliktad? Ang mga rebelde ang mamumuno sa atin. Hindi ko din alam kung ano ang magiging itsura ng ating bansa. Marahil kung ako ang presidente, amnestiya lamang ang kaya kong maibigay maliban sa pakikinig sa kanilang mga hinaing na hindi naman makakasira sa kaayusan ng bansa at kung ayaw man nila, patuloy pa din ang pakikipaglaban ng military upang masugpo ang panggugulo nila sa mga sibilyan.


Nais ko din pagtuunan ng pansin ang nauukol sa pagpapayaman ng agrikultura na ating bansa. Lumaki ako sa mga palayan at taniman ng Tarlac. Saksi ako sa pagpupunyagi ng mga magsasaka mula sa pagtatanim hanggang sa kanilang pag-aani. Sa katunayan, ang sinasaing naming bigas ay buhat sa hirap at pagod ng aking mga tiyuhin at tiyahin sa pagsasaka. Ang Pilipinas ay isang agrikultural na bansa. Tayo ang nagturo sa Vietnam ng pagtatanim ng palay subalit ngayon tayo pa ang nag-iimport sa kanila. Kaya nais kong pagtuunan, maliban sa pagpapadami ng investors sa bansa, ay isama ang pagpapadami din ng investors sa pagsasaka. Mataba ang lupa natin at angkop sa pagtatanim. Bagaman ang pamahalaan ay may badyet sa ganitong gawain, ni minsan, walang dumating sa aking mga tiyuhin at tiyahin. Naibulsa ng mga nasa taas.


Hindi ko din maipapangakong maaalis ko ang korupsyon sa ating bansa. Likas na iyon. Kung baga sa pagluluto, isa na siya sa sangkap. Saan ka man mapuntang bayan, lagi ‘yang andiyan. Katulad ng sinabi ni PNoy na hindi siya mangungurakot, subalit paano ang mga nasa paanan niya. Ganoon din kaya sila? Oo, nagpapaalis siya ng mga kawani, katulad na lamang ng impeachment kay Corona, subalit, lahat naman sila may latak ng pangungurakot. Hindi lamang siya. Katulad nga ng sinabi ko kanina, may mga gumagawa namang mga nakaupo, subalit sa ponding iyon, marami ang naibubulsa. Kaya madalas sisihin ng mga mahihirap ang kanilang pagiging mahirap dahil sa mga corrupt officials. Kaya patuloy ang mga kaguluhan, kaya patuloy ang di-kapayapaan sa mga kalsada, sa mga strike, nanghihingi ng dagdag na badyet sa pag-aaral, sa agrikultura, sa hanapbuhay at iba pa.


Sa ating bansa, malawak ang dapat ayusin. Marami ang dapat magtulungan. Ang Kaunlaran, aywan ko lang kung katulad noong bata pa ako ay magiging pangarap na lamang.